Wednesday, April 11, 2012

ang munti kong pangarap

Tapos na ang Semana Santa kaya balik na naman sa normal na gawain ang mga tao. Pero sa aking pagmamasid ikinalulungkot kong malaman na ang kahulugan na pala ngayon ng Holy week ay outing dito, outing doon, jamming gabi-gabi at walang tigil na party. Masakit tanggapin na ang henerasyon ng tao ngayon ay mahina na ang pananampalataya sa kanya at tila yata materyal na bagay na ang sinasamba ng karamihan. Hindi nakapagtataka ang maraming kaso ng krimen at masasamang balita na meron sa bawat sulok ng mundo.

Sa aking pagninilay-nilay sa nagdaang linggo may munting pangarap na nabuo sa aking puso. Gusto kong ibaba ang langit dito sa lupa para maranasan ito ng lahat (ha? hindi ako nababaliw!). Oo, hindi ko magagawa ang magagandang landscape sa langit o literal na magaya ang pisikal na itsura ng nito, ang ibig kong sabihin ay kung anong atmosphere sa langit. Siguro nagtatanong ka ngayon kung paano ko naman nalaman kung anong atmosphere sa langit samantalang hindi pa naman ako nakakapunta doon. Simple lang, nabasa ko lang lahat ng nalalaman ko tungkol sa langit pagkatapos ginamitan ko ng matinding imahinasyon para mabuo ang perpektong itsura nito sa isip at sa puso ko.

Kung iniisip mo na imposible ang pangarap ko, isipin mong mabuti baka kasi impossible para sayo na may langit. Para sa akin ang langit ay isang lugar na puno ng pagmamahal sa sarili at sa kapwa. Lugar na walang gumagawa ng masama kaya walang nangyayaring masama, kung bakit, dahil mahal nila ang sarili nila at ang kapwa nila. At higit sa lahat lugar kung saan mararanasan mo ang walang kapantay na kasiyahan dahil maraming nagmamahal sa'yo hindi dahil sa mayaman ka o popular ka kundi dahil anak ka ng Diyos ama at kapatid ka nila. Ang sarap isipin na ang munting pangarap na ito ay maisasakatuparan ko sa mga darating na panahon, ngayon pa lang abot langit na ang ngiti ko at sobrang saya na ang nadarama ko habang iniisip ito.

Simple lang naman mabuhay dito sa mundo kaya lang naman nagiging mahirap sa iba na mabuhay dahil may mga taong ginagawa itong kumplikado, pero kung sundin lang natin ang mga utos niya at hayaan natin siyang punuin ng pagmamahal ang mga puso natin sigurado nasa lupa pa lang tayo eh parang langit na. Alam ko na hindi ko kayang gawin ito mag-isa kaya makikipagtulungan ako sa mga taong ganito rin ang pangarap o makikipagsanib-pwersa sa mga taong gumagawa na ng langit dito sa lupa kaya hindi magtatagal darating ang panahon hindi ko na ito matatawag muli pa na isang pangarap.

Hindi madaling magmahal sa kapwa lalo na kung kaaway mo pero kung umaapaw ang pagmamahal na ibinibigay sa'yo ng Diyos hindi ba't madali na para sa'yo na maibahagi ito sa iba? kung sobra-sobrang blessings ang natatanggap mo di'ba madali na lang mamigay sa iba? At kung sakali man na hindi ibalik sa'yo ang ibinigay mo sa taong yun hayaan mo na Diyos na ang magbalik sa'yo nito. Ang pinakadahilan kung bakit tayo nandito at nabubuhay ay para magmahal.

Kung gusto mong mapalapit sa kanya hindi pa huli ang lahat dahil iniintay ka lang niya kapatid ko. Ito ang isang website na pwede kong irekomenda sa'yo para mahanap mo siya sa puso mo. http://bosanchez.ph/.  Maraming article ang mababasa mo na maaring makakatulong sa'yo sa website na nabanggit ko. God bless you!

No comments:

Post a Comment