Gusto kong ipakilala ang nag-iisang lalaki sa buhay ko ngayon, papa ang tawag ko sa kanya (oo, papa ko talaga). Gusto ko siyang ipagmalaki sa lahat ng tao gaya ng ginagawa niyang pagmamalaki sa akin kaya ang laman ng post na ito ay tungkol lang lahat sa kanya. Gagawan ko siya ng parangal dito sa blog site ko at sana dumating ang pagkakataon na mabasa niya ito.
Ang papa ko ang lagi kong kasama simula nang namawala si mama, sampung taon lang ako ng mawala si mama pero hindi ako ni minsan pinabayaan ni papa. Madali lang sabihin na tatay at nanay ka pero napakahirap panindigan lahat ng reponsibilidad kaya madalas iniisip ko may anting-anting siya kaya niya nagagawa lahat iyon. Si papa kasi may katangian na kahit imposible na yan sa mata ng ibang tao nagagawa pa rin niyang posible, sino ba naman ang hindi hahanga sa kanya?
Sobra talaga ang pagpapasalamat ko sa Diyos dahil ang papa ko may super powers (haha) at napaka-charming pa! kahit sabihin natin na tinotopak siya minsan ang importante naman ay yung kabutihan ng puso niya. Inaalam ko nga lahat ng sikreto niya at kung may anting-anting talaga siya para magamit ko rin. Idol ko talaga siya hindi dahil siya ang tatay ko kundi dahil totoong tao siya , laging handang tumulong ng walang iniisip na kapalit at higit sa lahat kapag nagmahal siya wagas.
Napaka-open ni papa kaya pwede kong sabihin lahat sa kanya pero syempre pinipili ko lang yung mga sinasabi ko pero sa usapin na openness napaka-open minded na tao niya. May mga araw na nagkukwentuhan kami nang kung ano-anu under the sun tapos kami madalas ang magka-date tuwing Valentine's Day o kaya naman nagfo-foodtrip kami kapag sawa na sa lutong-bahay. Ang nakakatawa madalas kami mapagkamalan na couple o kaya magkapatid kapag magkasama kami (haha) maalaga kasi siya sa sarili niya kaya kahit 40 plus na ang edad niya parang 30 plus lang siya.
Nakita ko na rin si papa umiyak pero isang beses lang iyon at hindi na naulit, umiyak siya sa harap ko pero hindi bumaba ang tingin ko sa kanya kundi lalo ko siyang hinangaan. Ang tunay na lalaki marunong umiyak at hindi takot umiyak. Hindi ko makakalimutan iyon dahil para siyang isang eksena sa pelikula na makabagbagdamdamin. Sinabi ko tuloy sa sarili ko na kapag nagmahal ako pagdating ng panahon gusto ko katulad ng papa ko, kahit hindi siya pinanganak na mayaman kaya niyang ibigay ang mga bagay na kailangan mo, kahit hindi siya nakatapos ng 4 year course sa kolehiyo "he is a man of virtue" at napakaraming experiences sa buhay na priceless pero pwede niyang i-share sa'yo, at higit sa lahat hindi siya nagsasawang mangarap at lahat iyon binibigyan niya ng katuparan one step at a time.
Maikling mensahe para kay papa:
Mahal na mahal kita. Hindi man ako maging perpektong anak gagawin ko ang lahat para maging mabuting tao katulad mo. Salat man sa maraming bagay hindi naman ako naging salat sa pagmamahal at pangaral dahil nandyan ka lagi. Syempre lahat ng tao sasabihin nila na yung papa nila ang pinaka da'best sa lahat (sino ba naman ang hindi?) pero ito na lang ang sasabihin ko, ikaw papa ang da'best na regalong natanggap ko galing sa Diyos. Maraming salamat po sa lahat ng sakripisyo, tiwala, at suporta. Napakaswerte ko dahil ikaw ang papa ko kaya ngayon hayaan mong i-share ko sa iba ang mga natutunan ko sa'yo. We are not living in perfect life but you teach me how to live life beyond its imperfections. I love you pa.
No comments:
Post a Comment